2 carjackers tiklo
MANILA, Philippines - Dalawa sa anim na carjackers na tumangay ng isang mamahaling sports utility vehicle (SUV) ang naaresto ng pulisya makaraang bumangga ang tinangay na sasakyan sa isang konkretong poste, kahapon ng umaga sa Parañaque City. Nakilala ang dalawang nadakip na suspek na sina Felimon Borilloy, 29 at Jeffrey Martinez, 25. Nakumpiska ng pulisya ang isang puting Mitsubishi Montero (NZI-671) na kinarjack ng mga salarin at dalawang shotgun. Sa ulat ng Parañaque police, hinarang at tinangay ng mga suspect ang naturang Montero sa may Libis, Quezon City na minamaneho ng isang Gregorio San Diego. Pinababa ng mga carjacker sa kotse si San Diego at minaneho ito. Binabagtas ng mga salarin ang West Service Road dakong alas-8 ng umaga sa pagitan ng Bicutan nang mawalan ng kontrol at bumangga sa isang konkretong poste. Agad namang rumesponde ang rescue team ng Skyway Patrol Group ngunit sa halip na magpatulong ay nagkanya-kanyang takbuhan ang mga sakay ng SUV. Dito nagduda ang patrol group na tumawag ng responde sa Parañaque police. Nasakote ng mga awtoridad ang dalawa sa mga suspek habang nakatakas pa ang sinasabing nasa 4 hanggang 5 kasamahan ng mga ito.
- Latest
- Trending