Bagong modus ng human traffickers nabuko ng BI
MANILA, Philippines - Panibagong modus operandi ng human traffickers ang nadiskubre ng Bureau of Immigration (BI) matapos na maaresto ang tatlong nagpapanggap na Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagtatago ng kanilang travel documents sa kanilang panty upang maitago ang tunay nilang destinasyon.
Ayon kay BI Officer in Charge Ronaldo Ledesma ang tatlong babaeng tourist workers ay naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kamakailan habang papasakay ang mga ito sa Philippine Airlines patungong Singapore.
Subalit lumalabas na ang nasabing mga babae ay patungong Lebanon at United Arab Emirates, na matatandaan na nauna nang ipinagbawal ng gobyerno ng Pilipinas ang pagpapadala ng babaeng trabahador sa Lebanon.
“It appears that the illegal recruiters and human trafficking syndicates are using all tricks so their victims can avoid detection by immigration officers,” ayon kay Ledesma .
Nabatid na libu-libong tourist workers ang naharang ng BI sa NAIA at iba pang paliparan sa bansa simula noong Agosto ng ilunsad ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang kampanya laban sa human trafficking.
Sinabi naman ni BI airport operations division chief Atty. Arvin Santos, na ang tatlong babaeng pasahero ay kumukuha ng clearance sa NAIA immigration counter ng imbitahan ang mga ito ng miyembro ng Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) dahil sa kahina-hinalang kilos ng mga ito.
Habang sumasailalim sa ikalawang inspeksyon ang mga ito ay bigla na lamang umanong nag-panic ang isa sa tatlong babae at ibinunyag ang kanilang totoong plano sabay ng pagkuha ng kanilang visa at plane tickets sa kanilang panty. Base sa nakatagong travel documents ng tatlo, lumalabas na mula sa Singapore ay didiretso ang mga ito sa connecting flights patungong Beirut at Dubai.
- Latest
- Trending