Balikbayang war veteran inatake sa eroplano, patay
MANILA, Philippines - Bangkay na nang makalapag sa kanyang tinubuang bayan ang isang 71-anyos na Filipinong beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig makaraang atakihin ito sa puso habang sakay ng eroplano ng Philippine Air Lines (PAL), kamakalawa ng hapon.
Patay na nang ibaba mula sa PR Flight 101 ng PAL ang biktimang si Rolando Patron Poblador, pasado alas-2 ng hapon sa Centennial Terminal 2 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nagmula sa Honolulu, Hawaii.
Sa tinanggap na ulat ni Pasay City police chief Sr. Supt. Napoleon Cuaton, nasa himpapawid pa lamang ang eroplano dakong alas-9:44 kamakalawa ng umaga nang atakihin sa puso ang biktima.
Tatlong pasahero na may kasanayan sa medisina ang nagtulung-tulong na mabigyan ng pangunahing lunas ang dating sundalo subalit nabigo na rin silang maisalba ang buhay nito.
Napag-alaman na pabalik na sa bansa upang umuwi sa kanyang mga kaanak sa Brgy. Don Bosco, Parañaque City si Mang Rolando nang mangyari ang trahedya. Dalawa umano ang pinanghahawakang citizenship ni Mang Rolando, na bukod sa isang Pinoy ay isa ring American citizen.
Isa si Mang Rolando sa mga beterano ng digmaan na pabalik-balik sa Estados Unidos at nakikipaglaban para sa karampatan nilang benepisyo mula sa pamahalaan ng Amerika dahil sa serbisyong ibinigay sa pakikidigma sa mga Hapones.
- Latest
- Trending