4 na karnaper timbog
MANILA, Philippines - Natimbog ng pulisya ang apat na umano’y kilabot na karnaper sa isang follow-up operation nang maaktuhan ang mga ito na pinapalitan ng bagong mukha ang ninakaw na motorsiklo upang ibenta sa kanilang mga parokyano sa Caloocan City kamakalawa.
Kinilala ang mga suspek na sina Virgil Echavia, 26, miyembro ng Sputnik Gang; Dominic Sison, 22; Ryan Carcillar, 18, at Kevin Marcelino, 17, pawang mga residente ng nasabing lungsod.
Ayon kay Sr. Supt. Jude Wilson Santos, hepe ng Caloocan City Police, naaresto ang mga suspek sa Phase 7-C Lower, Package 7, Block Excess, Bagong Silang.
Bago ang pagkakaaresto ay nakatanggap ng impormasyon ang pulisya hinggil sa modus operandi ng mga suspek kung saan ay ninanakaw ng mga ito ang motorsiklo na nakaparada sa lugar ng Quezon City at Montalban, Rizal.
Kapag nakuha na ng mga suspek ang motorsiklo ay papalitan ng mga ito ang pagkakakilanlan ng sasakyan at maging ang plate number ay babaguhin sa pamamagitan ng pagkakabit ng improvised na numero bago ibenta sa kanilang mga buyer.
Dahil dito, agad na nagsagawa ng surveillance laban sa mga suspek ang mga awtoridad at nang mag-positibo ang impormasyon ay agad na isinagawa ng follow-up operation kung saan ay naaktuhan pa ang mga ito habang abala sa pagpapalit ng mukha ng kanilang ninakaw na motorsiklo.
Nakuha sa pag-iingat ng mga suspek ang isang walang plakang Kawasaki Fury 125 na kulay silver, gray at blue, isang Honda XRM (6887-TJ), iba’t-ibang plaka ng motorsiklo, isang pen gun, bala ng M-16, samurai at kutsilyo.
- Latest
- Trending