Dalaga todas sa ka-live-in
MANILA, Philippines - Patay ang 22-anyos na babae na hinihinalang tinakpan ng unan sa mukha ng kanyang ka-live-in matapos ang pagtatalo dahil sa selos sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Bangkay na nang matagpuan ang biktimang si Katrina Sandoval, ng Hipon Alley, Dagat-Dagatan ng nabanggit na lungsod.
Pinaghahanap naman ng mga pulis ang suspek na nakilala lamang sa alyas na Glenn, isang jeepney driver, nakatira pa rin sa nasabing lugar.
Sa pahayag ng kalapit kuwarto ng mag-live-in na sina Elba Caparoso at Rostom Conde sa mga kagawad ng Caloocan City Police, nabatid na dakong alas-8 ng gabi narinig nilang nagtatalo ang magka-live-in sa loob ng inuupahang kuwarto ng mga ito dahil nagseselos ang lalaki sa biktima.
Ilang sandali pa ang lumipas ay tumahimik hanggang sa makita ng mga saksi ang suspek na nagmamadaling umalis.
Nang puntahan ng mga saksi ang biktima ay nakita nila ito na nakatalukbong ng kumot subalit hindi gumagalaw.
Inalis ng mga saksi ang kumot at laking gulat ng mga ito nang malaman na patay na ang biktima na naging dahilan upang ipagbigay-alam nila sa pulisya. Wala naman nakitang sugat sa katawan ang biktima na hinihinalang tinakluban ito ng unan sa mukha ng suspek hanggang sa mamatay.
Hinihintay lang ng mga pulis ang autopsy report ng biktima upang makumpirma ang dahilan ng kamatayan nito. Sa ngayon ay patuloy pa ring iniimbestigahan ang naturang insidente.
- Latest
- Trending