MANILA, Philippines - Nakuryente at tuluyang nasawi ang isang 40-anyos na lalaki habang nagkakabit umano ng ‘jumper’ o iligal na koneksiyon ng kuryente, sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Dead-on-arrival sa Gat Andres Bonifacio Hospital si Julie Selliza, 40, ng Gate 13, Area B, Parola Cmpd., Tondo, Manila.
Tumanggi namang magpaimbestiga kay PO2 Jupiter Tajonera, ng Manila Police District-Homicide Section ang pamilya ng biktima, na pumirma na ng waiver mismo sa nasabing ospital.
Lumilitaw na dakong alas-3:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa tapat nang tahanan ng nasawi.
Batay sa nakalap na ulat ng imbestigador mula sa ilang testigo, sinasabing kinontrata umano ang biktima ng isang kapitbahay para magkabit ng jumper sa poste ng kuryente.
Minalas naman umanong madikit ang biktima sa nakabukas na live wire at nakuryente ito na naging dahilan din upang mahulog ito mula sa poste ng Meralco. Isinugod pa sa pagamutan ang biktima ngunit binawian rin ng buhay dahil sa tinamong pinsala sa ulo at katawan.