Carjackers muling sumalakay sa QC

MANILA, Philippines - Muling sumalakay ang gru­po ng mga carjacker matapos na tangayin ng mga ito ang isang mamahaling sasak­yan ng isang mag-asawa sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.

Sa inisyal na ulat ni Insp. Rodel Marcelo ng Anti-Carnapping unit ng Quezon City Police, tinangay din ng mga suspect ang mag-asawang biktima, subalit ibinaba rin ang mga ito sa may Pedro Gil sa lungsod ng Manila.

Hindi pa rin tukoy ni Mar­celo ang pagkakakilanlan ng mag-asawa na pawang nasa edad 60 na umano dahil wala pa umanong report na nakakarating sa kanila buhat sa mga awtoridad na may hawak sa mga ito.

Sa inisyal na ulat, nabatid ang pangka-carjack sa sasak­yan ng mag-asawa matapos na dumulog sa himpilan ng Police Station 12 ang anak ng mag-asawa na nakilalang si Trisha Balquero San Diego, upang humingi ng saklolo.

Sinasabing naganap ang insidente habang binabaybay ng mag-asawa ang kahabaan ng Libis sa Brgy. Ugong Norte patungong C-5 sakay ng kanilang puting Mitsubishi Montero (NZI-671) ganap na alas -6 ng umaga.

Diumano, bigla na lamang hinarang ang mga ito ng isang itim na Toyota Fortuner (ZFV-397) saka bumaba ang apat na armadong suspect at kinomander ito.

Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.

Show comments