MANILA, Philippines - Malaki ang matitipid ng mga commuters sa Maynila sakaling maisakatuparan ng pamahalaang lungsod ang pagkakaroon ng 20 units ng eco-friendly na 21-passenger electric vehicles na magkakaroon ng ruta sa loob lamang ng Maynila.
Ayon kay Manila Mayor Alfredo Lim, aabot lamang sa P3 ang pamasahe sa bawat electric jeep na iikot sa buong Maynila.
Pinangunahan ni Lim ang demontrasyon ng sasakyan kasama sina Engr. Youssef Z. Ahmad, coordinator at technology owner at ECOS Environmental Foundation secretary general Mr. Syuichi Tajima at ilang TESDA staff.
Bukod umano sa makakamenos sa pasahe malaki rin ang maitutulong nito sa kapaligiran dahil hindi ito maglalabas ng carbon dioxide na delikado sa mga kalusugan dahil sa rechargeable batteries ang ginagamit dito.
Kabilang sa mga pangunahing magiging ruta ng electric jeep ay ang Roxas Blvd., Sta. Cruz, España at ilan pang mga pangunahing lansangan.
Inaasahan namang sa Enero darating ang unang sampung units nito.