MANILA, Philippines - Tinutugis ngayon ng pulisya ang isang starlet kaugnay ng pagkakasangkot sa patung-patong na kaso ng car theft at personal nitong koneksyon sa isang big-time carnapping gang na nag-ooperate sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.
Kinilala nina PNP Chief Director General Raul Bacalzo at PNP Highway Patrol Group (PNP-HPG) Director P/Chief Supt. Leonardo Espina ang starlet na si Katrina Paula, Angeline Samonte sa tunay na buhay.
Sinabi ni Espina na kabilang na rin si Paula sa kanilang hina-hunting dahil ito ay asawa ni Raymond Dominguez, ang pinaghihinalaang lider ng notoryus na Dominguez carnapping gang.
Nabatid sa opisyal na si Dominguez, may patong sa ulong P.5 million, na maliban sa multiple na kaso ng carnapping ay nahaharap din sa kasong rape, attempted murder at illegal possession of firearms.
Ayon kay Espina, ang pagtugis kay Paula at mga kasamahan nito sa sindikato ay matapos na salakayin ng mga awtoridad ang condominium unit nito at ni Dominguez sa Palo Verde Condominium na matatagpuan sa Brgy. Malamig, Mandaluyong City noong nakalipas na Nobyembre 2.
Ang raid ay isinagawa sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Carlos Valenzuela ng Regional Trial Court (RTC) Branch 213 ng Mandaluyong na nagresulta sa pagkakasamsam sa anim na nakaw na behikulo na kinabibilangan ng isang Mazda 3, Mitsubishi Montero, BMW at isang Isuzu D-Max pick-up truck.
Gayunman, wala sa kanilang condominium sina Paula at Dominguez ng isagawa ang nasabing raid. Narekober rin sa operasyon ang kinarnap na Hyundai Sta. Fe na natukoy na pag-aari ni dating Department of Labor Undersecretary Dionisio de la Cerna.
Bukod dito nasamsam rin ang sari-saring mga paraphernalia ng sasakyan tulad ng mga nakaw na plate number, car registration paper, dalawang puting mascara sa mukha, sari-saring duck tapes, masking tapes at hand gloves, gayundin ang plaka ng kinarnap na sasakyan ng Sports Editor ng pahayagang Malaya na si Jimmy Cantor.
Sa kasalukuyan, ayon pa sa opisyal ay puspusan ang kanilang isinasagawang man-hunt operation sa mga lugar na puwedeng pagtaguan ng naturang sindikato upang panagutin ang mga ito sa batas.