MANILA, Philippines - Nadakip ng mga tauhan ng PNP at militar ang isang miyembro ng teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) sa pinaglulunggaan nito sa Brgy. Culiat, Tandang Sora, Quezon City kahapon ng hapon.
Ito’y sa gitna na rin ng terror attack alert ng United Kingdom, Canada at Australia sa Metro Manila.
Kinilala ni PNP Spokesman Sr. Supt. Agrimero Cruz Jr., ang nasakoteng suspect na si Patta Hoyoy Jahal alyas Abu Najer.
Ayon kay Cruz, dakong ala-1 ng hapon ng masakote ang suspect sa isinagawang raid sa Brgy. Culiat, Quezon City sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Leo Principe ng Branch 1, Regional Trial Court ng 9th Judicial Region ng Basilan kaugnay ng pagkakasangkot nito sa dalawang insidente ng kidnapping.
Kabilang dito ay ang pagdukot sa may sampung manggagawa ng Golden Harvest Plantation ng Brgy. Tairan, Lantawan, Basilan noong Hunyo 11, 2001 kung saan ilan sa mga biktima ay pinugutan ng ulo at kidnapping ng mahigit 20 hospital staff sa Dr. Torres Hospital sa Lamitan, Basilan noong Hunyo 2, 2001.
Ang suspect ay kasalukuyan ng isinailalim sa kustodiya ng PACER sa Camp Crame para sa ka ukulang imbestigasyon.
Kasalukuyan namang inaalam ng mga awtoridad kung may mga kasamahan pa ang suspect na nagtatago sa Metro Manila na posibleng maghasik ng terorismo.