MANILA, Philippines - Upang mabawasan ang tumataas na insidente ng kriminalidad ngayong nalalapit na ang kapaskuhan, magdedeploy ang Philippine National Police (PNP) ng Motorized Anti-Crime Operatives (MASCO) na isasabak laban sa mga elementong kriminal sa mga dinarayong lugar sa Metro Manila. Ayon kay PNP Spokesman Sr. Supt. Agrimero Cruz Jr., ito’y dahilan sa malapit na ang bonus ng mga empleyado na target ng masasamang elemento sa tuwing papasok ang buwan ng Disyembre. Sa tala ng PNP, mistulang mga kabuteng nagsulputan sa Metro Manila ang mga holdaper, snatcher, mandurukot kung saan ay mataas ang petty crimes sa tuwing papasok ang ber months lalo na kung Disyembre na may mga bonus na ang mga empleyado. Binigyang diin ni Cruz na ang MASCO ang isasabak ng PNP laban sa mga motorcycle riding in tandem na mga kriminal upang mapabilis ang pagtugis laban sa mga ito. Binigyang diin nito na tiwala si Bacalzo na magiging matagumpay ang kampanya sa kriminalidad sa konsepto ng motorized patrol operatives na gagampanan ng PNP Public Safety Management Battalion.