Vice mayor ng Zamboanga del Sur, bodyguard sugatan sa ambush

MANILA, Philippines - Tinambangan ng riding-in-tandem ang Vice mayor ng Zam­­boanga del Zur at bodyguard nito subalit ligtas naman at sugatan lamang, na ginagamot sa Medical Center Manila (MCM) kahapon ng hapon, sa Ermita, Maynila.

Pinaulanan ng bala ng baril ang sinasakyang kotse ng biktimang si Ocol Talumpa, 46, 1st term Vice Mayor ng Labangan, Zamboanga Del Sur at residente ng Camella Homes,  Las Piñas City. Nagtamo ito ng tama sa kaliwang balikat at kaliwang hita.

Ginagamot din sa nasabing ospital si Alimudin Silad, 40, bodyguard, ng Talumpa, sanhi ng tama ng bala sa balakang.

Inaalam naman ang pagka­ka­kilanlan sa mga suspek na armado ng kalibre 45 at sakay sa isang di-naplakahang motorsiklo.

Sa report ni SPO3 Benja­min Imperial ng Manila Police District-Station 5 (Ermita) dakong ala-1:15 ng hapon nang ma­ganap ang insidente sa Leon Guinto St., Ermita, Manila.

Minamaneho ng biktima ang kanyang silver na Toyota Vios (NQL 148), kung saan ka­tabi nito sa harapan ang kanyang bodyguard at anak nitong si Ryan, 20; at Raysa, 14, sa likurang bahagi nang paputukan ng suspek na armado kung saan tinamaan ang biktima at bodyguard nito.

Masuwerete namang hindi ti­namaan ang mga anak ng biktima. Matapos ang pamamaril ay tumakas ang gunman na sumakay sa nakaabang lamang na motorsiklo na minamaneho ng kanyang kasabwat sa harapan ng Watson sa Apacible St., Ermita.

Ayon kay Imperial, galing ang biktima sa kanilang pag-aaring recruitment agency, ang Raysa Recruitment Agency sa Apacible St., at patungo sana sa mall upang mag-shopping para sa pangangailangan nila patungong Mecca, Saudi Arabia nang naganap ang pamamaril.

Pulitika ang isa pang anggulong sinisilip sa imbestigasyon.

Show comments