MANILA, Philippines - Sinugod ng mga miyembro ng Manila Public School Teachers Association (MPSTA) ang Manila City Hall upang kalampagin si Manila Mayor Alfredo S. Lim at ang City Treasurer’s Office para sa kanilang allowances na matagal na umano nilang hinihingi.
Nabatid na tumatanggap ang mga guro ng P2,500 kada buwan ng allowance na ibinibigay quarterly.
Ayon kay MPSTA President Merlinda Añonuevo, ang kanilang ipinaglalaban ay kanilang karapatan at nais lamang na makuha ng may 11,500 guro mula sa 103 paaralan.
“Hindi kami naniningil na wala sa batas. Hindi kami nababayaran sa tamang panahon, ani Añonuevo.
Sinabi ni Anonuevo na nagtataka sila kung bakit naaantala ang kanilang allowance ngayon at kailangan pa nilang kalampagin ukol dito ang City Hall.
Ayon naman kay MPSTA Vice President Benjie Balbueno ito ang unang pagkakataon na nangyari na magsagawa ng rally ang mga guro. Aniya, posibleng lumaki pa ito kung mabibigo ang kanilang grupo.