MANILA, Philippines - Natusta ang anim na miyembro ng isang pamilya kabilang ang sanggol sa sinapupunan ng isa sa mga biktima at isang walong- taong gulang na batang babae, habang dalawa pa ang malubhang nasugatan matapos sumiklab ang nakaimbak na gasolina sa kanilang bahay kamakalawa ng gabi sa lungsod ng Caloocan.
Mistulang magkakayakap pa nang matagpuan sa loob ng banyo ang mga nasawing biktima na sina Irene Tabenas, 61; Mary Rose Tabenas, 22; Joppet Galleta, 16; Olivia Mabalay, 8 at ang buntis na si Irene Galleta, 43, pawang nakatira sa Sunflower St., Pangarap Village ng nabanggit na siyudad.
Ginagamot naman sa Jose Rodriguez Hospital sanhi ng 2nd degree burns sa katawan sina Ruber Tabenas, 22 at isang Boknoy, 10, kapwa rin ng nasabing lugar.
Sa imbestigasyon ng Caloocan City Fire Department, dakong alas-9:50 ng gabi naganap ang insidente sa bahay ng mga biktima sa Sunflower St., Pangarap Village, ng naturang siyudad.
Nabatid na natutulog ang mga biktima, nang sumiklab ang nakaimbak na gasolina sa kanilang bodega, na naging dahilan nang mabilis na pagkalat ng apoy.
Hindi na nakalabas ng bahay ang mga nasawi na nagkulong na lang sa kanilang banyo na doon na sila inabutan ng kamatayan.
Dakong alas-10:30 ng gabi nang maapula ang apoy, kung saan inaalam ang dahilan nang pagsiklab ng mga gasolina na pinaniniwalaang umano’y ibinebenta ng pamilya Galleta.
Narekober ng mga awtoridad ang drum, mga container, mga bote na pinaglalagyan ng mga gasolina.
Kung kaya’t isa sa teyorya ng mga awtoridad, na nagbebenta ang mga ito ng gasolina.