MANILA, Philippines - Sinalakay ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga tindahan na nagbebenta ng mga pekeng Louis Vuitton products at mga bodega nito kung saan nakumpiska ang tinatayang US$3.5 milyon o katumbas na P152 milyon halaga , sa magkakasunod na operasyon sa Maynila.
Sa ulat na isinumite kay NBI Director Magtanggol Gatdula, isinagawa ang pagsalakay dahil sa reklamo ni Anthony Francis L. Manankil, ng Manled Legal Consultancy Services, ang kinatawan ng Louis Vuitton Malletier S.A., dahil sa umano’y talamak ng bentahan ng pekeng produkto na taglay ang kanilang ‘high end’ brand name.
Ayon sa NBI, magkakasunod na sinalakay ang stalls sa Second Floor ng 168 Shopping Mall, Sta. Elena St., Binondo, Manila at ang ilang warehouses sa # 1414 Antonio Rivera St., Tondo, Manila at ika-5 palapag ng CTC Building , Sta Elena St., Binondo, Manila.
Ang pagsalakay ay isinagawa ng mga ahente ng NBI Intellectual Property Rights Division (IPRD) gamit ang search warrants na inisyu ni Judge Antonio Eugenio Jr., ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 24.
Umabot sa 11,760 piraso ng hand bags, pouches, leather cases, shoulder bags at mga accessories nito ang nasa kustodiya ngayon ng NBI na ayon sa pagtaya ay umaabot sa US$3,518,650 o katumbas sa P152,005,680,
Ipinagharap ng kasong paglabag sa RA8293 (Intellectual Property Code of the Philippines) ang mga operator at may-ari ng mga establisyemento.