2 gun-for-hire arestado
MANILA, Philippines - Dalawang miyembro ng isang sindikato ng “gun for hire and robbery group” ang nasakote ng mga operatiba ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa isang operasyon, kamakalawa ng gabi sa Taguig City.
Kinilala ni NCRPO Director, Chief Supt. Nicanor Bartolome ang mga suspect na sina Saidimar Ahmad, 22; at Ahmar Arajan, 26, kapwa miyembro ng “Walid Sabbadin gun for hire and robbery gang”. Nakumpiska sa mga suspek ang isang kalibre .45 at kalibre . 38 baril.
Sa ulat ng Regional Police Intelligence and Operations Unit (RPIOU), nasakote ang dalawa makaraang makatanggap ng tip ang pulisya sa kanilang mga asset na nakatambay ang mga ito sa tapat ng isang bahay sa may Garcia Street, Signal Village, Taguig dakong alas-11:30 kamakalawa ng gabi.
Sinabi ni Supt. Remus Medina, hepe ng NCRPO-RPIOU, isang panghoholdap ang nakatakdang isagawa ng sindikato at titira muna ng shabu sa naturang lugar ang dalawang inaresto bago ang kanilang panghoholdap.
Sa interogasyon, inamin umano ng dalawa na miyembro sila ng sindikato at sangkot sa panghoholdap ngunit hindi sa “gun for hire”. Nakatakda umano silang mangholdap ng isang botika sa Signal Village bago sila maaresto.
Nabatid na ang mga suspect ay sangkot sa gun for hire at panghoholdap sa mga lungsod ng Taguig, Makati at iba pang mga karatig lugar.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa “illegal possession of firearms”.
- Latest
- Trending