Meralco magpapatupad ng rotating brownouts

MANILA, Philippines - Magpapatupad ng “rotating brownouts” ang Manila Electric Company (Meralco) sa kanilang mga kliyente sa Metro Manila at karatig lalawigan upang bigyang daan ang pag­kukumpuni sa kanilang mga pasilidad mula nga­yong darating na Martes hanggang Sabado.

Sa advisory na inilabas ng Meralco, puputulan ng suplay ng kuryente ang mga kliyente nito sa Das­mariñas, Gen. Trias at ilang bahagi ng Tanza sa Cavite ngayong Nobyem­bre 2 mula alas-12 ng tanghali hanggang ala-1 ng hapon upang bigyang daan ang pagkumpuni sa Abubot substation.

Dakong alas-7 ng umaga hanggang alas-8 ng umaga naman pupu­tulin ang suplay ng kur­yente sa buong Sta. Cruz at Tondo District sa May­nila at mauulit bandang alas-4 hanggang alas-5 ng hapon para naman sa “maintenance” ng Meralco North Port station.

Magpapatupad rin ng “power interruption” ang Meralco sa Nobyembre 3-4 sa Mandaluyong at San Juan City.  Mawawalan ng suplay ng kuryente sa naturang mga lugar mula alas-11:30 ng gabi hang­gang alas-11:59 ng Nob­yembre 3 (Miyerkules) at alas-5:30 ng umaga hang­gang alas-6 ng umaga at sa Nobyembre 4 (Huwe­bes).

Bibigyang daan naman dito ang pagkukumpuni sa mga pasilidad ng Meralco sa kahabaan ng Maryland Street sa Wack-Wack, Mandaluyong City.

Ang iba pang iskedyul ng Meralco ng pagputol ng suplay ng kuryente ay:

- Manila (Binondo) 11:30pm-7:30am ng Nob. 3 at 4

- Manila, 4pm-5pm ng Nobyembre 4

- Batangas (Batangas City) 8am-9am at 4pm-5pm ng Nobyembre 3

- Rizal Province (Tanay) 10-am-2pm ng Nob. 3

- Manila (Tondo) at Navotas, 11pm-11:30pm ng Nobyembre 4 at mula 4:30am-5am ng Nob­yembre 5 (Biyernes)

- Manila, 11:30-pm (Nob. 4) hanggang 12:30 am (Nob. 5) at 5am-6am (Nob. 5)

- Laguna (Sta. Cruz), 11pm-11:59pm (Nob. 4) at 6am-7am (Nob. 5)

- Bulacan (Sapang Palay), 8am-9am (Nob. 5) at 2pm-3pm (Nob. 5)

- Pasay City at Makati City, 11pm-11:30pm (Nob. 5) at 4:30 am-5am (Nob. 6)

- Parañaque City, 11pm-11:30pm (Nob. 5) at 5:30am-6am (Nob. 6)

Tiniyak naman ng Me­ralco na agad nilang iba­balik ang suplay ng kur­yente sa oras na ma­tapos ang naka-isked­yul nilang pagkukumpuni. 

Kung magkakaroon ng problema at klaripikasyon, pinayuhan ng Meralco ang publiko na tumawag sa call center nos. 16211/ 631-1111 at mag-email sa callcenter.tech.assist@ meralco.com.ph.

Show comments