MANILA, Philippines – Pinayuhan kahapon ng Manila Traffic Bureau ang mga motorista sa traffic re-routing scheme sa Maynila para sa All Saints Day.
Simula alas-12 ng tanghali sa Oktubre 31 hanggang sa Nobyembre 1, isasara sa mga motorista ang kahabaan ng Aurora Blvd. mula Dimasalang hanggang Rizal Avenue, Blumentritt mula Bonifacio hanggang P. Guevarra, Dimasalang mula Makiling hanggang Blumentritt, Retiro mula Dimasalang hanggang Blumentritt Ext., P. Guevarra mula Cavite St. hanggang Pampanga St. at sa Leonor Rivera mula Cavite hanggang Aurora Blvd.
Sa mga magtutungo sa Manila North Cemetery, mula sa Rizal Avenue at Blumentritt ay maaaring dumaan sa Cavite St. kanan sa Rivera o Isagani kanan sa Antipolo hanggang sa makarating sa sementeryo.
Habang ang mga magmumula sa Quezon, maaring dumaan sa Retiro, kaliwa sa Blumentritt at kaliwa sa Makiling.
Sa mga patungong La Loma at Chinese cemeteries, maaring dumaan mula sa España patungong Lacson, Tayuman, Blumentritt mula sa Cavite hanggang Aurora Blvd. bago diretso sa Rizal Avenue o kaya ay sa Jose Abad Santos Avenue.
Lahat naman ng mga sasakyan na magmumula ng Quiapo, Sta. Cruz, Tondo at Caloocan ay kailangang dumaan sa Jose Abad Santos o kaya ay sa Rizal Avenue extension.