MANILA, Philippines – Tinakasan ng isang 61-anyos na lolo ang sakit nito sa nerbiyos makaraang magbigti, kamakalawa ng gabi sa Navotas City.
Idineklarang patay sa Tondo Medical Center si Oscar dela Cruz ng Bagong Kalsada, M. Fernando St., Brgy. Tangos ng nasabing lungsod.
Sa police report, dakong alas-6 ng gabi nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa loob ng bahay nito kung saan gumamit ng kumot sa pagpapakamatay.
Sa naging salaysay ng ka-live-in ng biktima na si Lolita Rivera, 51, kasalukuyan silang namamahinga sa loob ng bahay nang bigla na lamang sumpungin si dela Cruz ng nervous breakdown. Agad na lumabas ng bahay si Rivera upang bumili ng gamot ngunit pagbalik nito ay nakita niyang nakabigti na si dela Cruz.
Mabilis namang nakahingi ng tulong sa mga kapitbahay si Rivera ngunit hindi na rin ito umabot sa ospital.