MANILA, Philippines – Nalansag ng pulisya ang grupo ng mga holdaper matapos mabaril ang isa habang nadakip naman ang tatlo na nangholdap ng mga pasahero ng jeepney kamakalawa ng hapon sa Malabon City.
Isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center sanhi ng tama ng bala ng baril sa kanang hita ang isa sa mga suspek na si Jerson Manzano alyas Mac Mac, 18, ng Paradise Village, Letre, Brgy. Tonsuya ng nasabing lungsod.
Nakapiit naman ang tatlo pang suspek na sina Sherwin Llurag, 28, ng Magsaysay St., Brgy. San Agustin; Joshwell dela Cruz, 18, ng #147 Pitong Gatang, Sipac at si Christian Versoza, 18, ng #147 Gov. Pascual Avenue, Sipac, Navotas City.
Nabatid na hinoldap ng mga suspek ang pampasaherong jeep (NXW-985) ni Enrico Naval, 47, sa kahabaan ng Governor’s Pascual Avenue sa Brgy. Catmon kung saan nilimas ang kanyang kinita at mga mahahalagang gamit ng mga pasahero niya.
Mabilis na nagsitakas ang mga suspek at sumakay sa traysikel ni Cesar Cabangon kung saan Ibinangga naman ni Cabangon sa nakaparadang pedicab kaya napilitan ang mga suspek na magsitakbo sa magkakahiwalay na direksyon.
Nakipagbarilan naman si Manzano sa mga pulis kaya tinamaan sa hita at tuluyang masakote. Nakumpiska sa mga suspek ang mga tinangay na mahahalagang gamit at pera, jungle bolo at baril na gamit ni Manzano.