MANILA, Philippines - Patay sa apat na oras na sunog ang isang caretaker nang ma-trap sa nasunog na gusali na kanyang binabantayan sa Quiapo, Maynila, kahapon ng madaling-araw. Kinilala lamang sa alyas na Deo ang biktimang idineklarang dead-on-arrival sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC).
Naganap ang sunog dakong alas-4:57 ng umaga sa 3-storey building na pag-aari ng Equatorial Realty Development Incorporated sa #768 Quezon Blvd., Quiapo, malapit sa C.M Recto Avenue. Nagsimula umano ang sunog sa mezzanine floor ng nasabing gusali at hindi agad nakalabas ang biktima, hanggang sa umabot sa ikatlong alarma ang sunog na idineklarang fire under control dakong alas-8:44 ng umaga.
Tinatayang nasa P.5 million halaga ng ari-arian ang napinsala sa naturang sunog.