Construction worker sunog sa kuryente
MANILA, Philippines - Sunog ang buong katawan ng isang construction worker makaraang makuryente habang nagkakabit ito ng kawad sa isang poste ng Meralco sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Patay sanhi ng 3rd degree burns ang biktimang si Danny Arasas, 28, ng West Riverside Brgy. Del Monte sa lungsod.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, nangyari ang insidente malapit sa bahay ng biktima ganap na alas-9 ng gabi.
Ayon kay Steven Sablagan, saksi sa insidente, naghihintay siya ng pasahero sa may Frisco TODA tricycle terminal nang makita niya ang biktima na pumanhik sa poste ng Meralco. Mula sa itaas ay ikinabit umano ng biktima ang kawad hanggang sa bigla na lang itong makuryente at magkikisay hanggang sa mahulog paibaba.
Bukod sa tinamong pagkasunog sa buong katawan, nadagdagan pa ang pagbagsak nito sa semento dahilan para ito agad na masawi.
Samantala, isang welder ang iniulat na nasawi makaraang pagbabarilin ng hindi nakikilalang salarin kahapon sa Quezon City.
Dead-on-arrival sa ospital ang biktimang si Elman delos Santos, 29, binata ng Macabo compound, Upper Banlat, Tandang Sora sa lungsod.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng Quezon City Police upang matukoy ang naturang salarin.
- Latest
- Trending