Trader todas sa riding-in-tandem
MANILA, Philippines - Patay ang 58-anyos na negosyante nang pagbabarilin ng apat na kalalakihang sakay ng dalawang motorsiklo at tumangay sa kanyang dalang bag na naglalaman ng perang idedeposito sa banko sa Binondo, Maynila kahapon ng umaga.
Dead-on-arrival sa Jose Abad Santos Mother and Child Hospital ang biktimang si Valeriano Castro, ng Sto. Cristo St., Binondo, Maynila at may-ari ng Tony-Val Imported Fruit Store.
Sa ulat ni SPO4 Steve Casimiro ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-10:20 ng umaga nang huminto umano sa tapat ng naglalakad na biktima ang apat na mga suspect at barilin umano ito ng tatlong ulit. Patungo umano sa Allied Bank branch, hindi kalayuan sa kanyang tindahan ang biktima upang magdeposito ng pera.
Sa naging pahayag ni Marissa Goden, 21, tindera ng biktima, narinig lamang sa amo ang katagang “Ano ba yan” bago binaril ng 3 beses at pinalo pa sa ulo ng baril kahit duguan na at tinangay umano ang kulay gray na bag na naglalaman ng pera na hindi pa mabatid ang halaga.
Mabilis namang nagsitakas ang mga suspect lulan ng dalawang motorsiklo. Wala naman umanong nais na tumestigo sa kabila ng maraming nakasaksi sa pangyayari.
Nabatid na araw-araw umano kung magdeposito ng pera sa nasabing banko ang biktima na maaaring pinag-aralan ng mga suspect.
- Latest
- Trending