Quarrying sa Pasig River nabunyag
MANILA, Philippines - Itinuturing ng City Planning and Development Office (CPDO) ng Manila City Hall na isang quarrying ang ginawa ng Belgian contractor ng maghukay ito sa Manila Bay bilang bahagi ng dredging project ng Pasig River Rehabilitation Center (PRRC) sa Pasig River.
Sa panayam kay CPDO chief Engr. Melvin Balagot, ang malaking paghuhukay na ginawa sa Manila Bay ay kuwestiyonable lalo pa’t hindi alam kung saan dinala ang mga buhangin na nakuha mula dito.
Ayon kay Balagot, sa naturang hukay sa Manila Bay inilagak ang mga basurang nakuha ng Belgian contractor sa Pasig River.
Dahil dito, sinabi ni Balagot na dapat ding ipaliwanag ng Belgian contractor kung saan dinala o ibinenta ang buhanging nakuha sa Manila Bay.
Sinabi ni Balagot na bagamat maganda ang hangarin na malinis ang Pasig River, kailangan ding isaalang-alang ang kapakanan ng mga maapektuhan nito.
Dagdag pa ni Balagot, bawal ang quarrying lalo pa’t kuwestiyonable ang dredging project na nagkakahalaga ng P4.5 bilyon.
- Latest
- Trending