Day offs, leave ng MMDA kanselado ngayong Undas
MANILA, Philippines - Isang linggo bago ang All Saints Day, ipinahayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na kanselado ang lahat ng “day-offs” at bakasyon ng kanilang mga kawani habang nasa 1,600 traffic enforcers ang ipapakalat sa mga kalsada partikular na sa mga pangunahing sementeryo.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino inilatag na rin nila ang kanilang “Oplan Undas” upang maging maayos ang daloy ng trapiko sa Kamaynilaan mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2.
Makakatuwang ng MMDA ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at mga empleyado ng mga lokal na pamahalaan sa pagsasaayos sa daloy ng trapiko at seguridad.
Ang mga MMDA mobile patrol at motorcycle units ay ipoposisyon naman sa mga bus terminal sa Cubao at Pasay para panatilihing maayos ang pagpasok at pag-alis ng bawat bus na hindi nagdudulot ng pagsisikip ng trapik.
Ito’y dahil sa inaasahang milyon-milyong taga-lungsod na lalabas ng Metro Manila patungo sa kani-kanilang mga lalawigan upang dalawin ang kanilang mga mahal sa buhay na namayapa.
Nakaantabay rin naman ang anim na ambulansya at mga tow trucks upang tumugon sa oras ng mga “emergency” sa mga sementeryo at mga sasakyang titirik sa kalsada.
Samantala, ipinahayag naman ni Manila North Cemetery administrator Edgardo Noriega, hindi na nila papayagan ang paglilibing sa Oktubre 28 habang Oktubre 29 naman maaring pumasok ang mga sasakyan.
Sa Manila South Cemetery sinabi naman ni Engr. Henry Dy na hanggang Oktubre 28 lamang maaaring maglinis ng mga nitso at hanggang Oktubre 29 naman maaaring papasukin ang mga sasakyan.
Pinaalala naman in Manila Mayor Alfredo Lim na mahigpit ang kanilang pagbabawal sa pagdadala ng mga alak at anumang mga patalim sa loob ng sementeryo upang maiwasan ang anumang mga krimen o karahasan.
- Latest
- Trending