QC Jail nabulabog sa mga 'dalaw' ni Patrick dela Rosa

MANILA, Philippines - Nabulabog ang Quezon City Jail nang dalawin ng kanyang mga kasamahan sa showbiz ang rape suspect na si Patrick dela Rosa kahapon ng hapon.

Pinagkaguluhan ng mga preso maging ng mga ka­gawad ng Phi­lippine National Police ang mga ar­tistang sina Philip Salvador, Jestoni Alarcon, Dennis Padilla at Onyok Velasco dakong alas-2 ng hapon, nang unang magtu­ngo ang mga nabanggit na artista sa Police Station 10 ng QCPD, kung saan nag­pakuha muna ng litrato, sama-sa­mang nagtungo sa Quezon City jail para su­por­tahan si dela Rosa alinsunod sa paanyaya na rin umano ng huli sa mga una para sa pagdiriwang ng nasabing piitan.

Malugod namang sina­lubong ang mga artista ng jail warden na si Supt. Nestor Velasquez kung saan mayroong munting prog­rama at tugtugan ng banda sa loob nito.

Sa talumpati ni Dela Rosa, pinasalamatan nito ang panginoon sa nangyari sa kanyang buhay sa pag­sasabing sa kapalarang sinapit ay kinakalabit la­mang siya nito dahil sa naka­limutan niya ito nang siya ay nasa laya pa.

Mula dito ay hinan­du­gan ng awit ni dela Rosa at ng iba pang artistang ka­ibigan nito ang mga preso na sinaba­yan pa ng mala­lakas na hiyawan.

Maaalalang naging sen­tro ng kontrobersya ang actor na si Dela Rosa ma­tapos na ireklamo ng pang­gaga­hasa ng isang 20 anyos na estud­yante sa Police Station 7 ng QCPD.

Matapos ang ilang araw na pagkakapiit sa PS7 ay ibinaba na ito sa QC jail base sa utos ng korte.

Show comments