QC Jail nabulabog sa mga 'dalaw' ni Patrick dela Rosa
MANILA, Philippines - Nabulabog ang Quezon City Jail nang dalawin ng kanyang mga kasamahan sa showbiz ang rape suspect na si Patrick dela Rosa kahapon ng hapon.
Pinagkaguluhan ng mga preso maging ng mga kagawad ng Philippine National Police ang mga artistang sina Philip Salvador, Jestoni Alarcon, Dennis Padilla at Onyok Velasco dakong alas-2 ng hapon, nang unang magtungo ang mga nabanggit na artista sa Police Station 10 ng QCPD, kung saan nagpakuha muna ng litrato, sama-samang nagtungo sa Quezon City jail para suportahan si dela Rosa alinsunod sa paanyaya na rin umano ng huli sa mga una para sa pagdiriwang ng nasabing piitan.
Malugod namang sinalubong ang mga artista ng jail warden na si Supt. Nestor Velasquez kung saan mayroong munting programa at tugtugan ng banda sa loob nito.
Sa talumpati ni Dela Rosa, pinasalamatan nito ang panginoon sa nangyari sa kanyang buhay sa pagsasabing sa kapalarang sinapit ay kinakalabit lamang siya nito dahil sa nakalimutan niya ito nang siya ay nasa laya pa.
Mula dito ay hinandugan ng awit ni dela Rosa at ng iba pang artistang kaibigan nito ang mga preso na sinabayan pa ng malalakas na hiyawan.
Maaalalang naging sentro ng kontrobersya ang actor na si Dela Rosa matapos na ireklamo ng panggagahasa ng isang 20 anyos na estudyante sa Police Station 7 ng QCPD.
Matapos ang ilang araw na pagkakapiit sa PS7 ay ibinaba na ito sa QC jail base sa utos ng korte.
- Latest
- Trending