MANILA, Philippines – Dead-on-arrival sa UERM Hospital ang isang 37-anyos na barker ng pampasadang dyip nang pagsasaksakin ng di pa matukoy na salarin, habang nagtatawag ng pasahero sa Sta. Mesa, Maynila, inulat kahapon.
Kinilala ni Insp. Armand Macaraeg ang biktimang si Gerardo Velez, may live-in partner ng De Dios St., Sta. Mesa, Maynila. Walang nais tumestigo sa insidente upang matukoy ang suspect.
Sa ulat ni SPO3 Paul Dennis Javier ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-2 ng hapon kamakalawa nang maganap ang insidente sa panulukan ng Ramon Magsaysay Blvd., at De Dios St., Sta Mesa, Maynila nitong Huwebes (Oktubre 21).
Ilang saksi ang nagsabi na nakita na lamang nilang tumatakbong duguan ang biktima at humihingi ng tulong na dalhin siya sa pagamutan bago tuluyang humandusay. Nabatid na huling nakita ang biktima na nagtatawag ng pasahero.
Posibleng may nakaalitan umano ang biktima na nauwi sa pananaksak.