Illegal recruiter timbog ng MPD
MANILA, Philippines – Nabitag sa isang entrapment operation ang isang babaeng nagrerecruit ng mga babaeng patungo ng Korea at Japan matapos tanggapin nito sa isang complainant ang marked-money sa hinihinging processing fee sa pangako na makakapagtrabaho sa Korea at Japan sa loob ng isang fast food chain sa Ermita, Maynila kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni C/Insp. Marcelo Reyes, hepe ng Manila Police District-General Assignment Section ang suspect na si Roselyn Adriatico, 38, na gumagamit umano ng alyas na “Racquel”, ng A. Maceda St., Sampaloc, Maynila.
Sa ulat ni PO2 Reginald delos Reyes, dakong alas-3 ng hapon nang maaresto ang suspect sa loob ng isang fastfood restaurant sa Kalaw St., Ermita, Maynila.
Nag-ugat ang pagdakip nang maghinala ang walong biktima sa suspect na nagtatago ito nang magkita-kita umano sila at makatunog na puro pangako lamang ang ginagawa at hindi sila nakaalis sa itinakdang petsa.
Isa sa walong biktima ang tinawagan ng suspect upang hingan ng P40-libo para sa processing fee, nagkasundo sila na ireport sa pulisya at i-entrap ito.
Ang mga biktima ay pawang mula sa Carmona Cavite na kung saan ay nagbigay umano ang mga ito ng halagang mula sa P20,000, P30,000, P40,000 at P73,000, o P253,000 para sa processing fee.
Ayon sa isa sa biktima na si Marvie Birung, 30, nakapagbigay na siya sa suspect ng P73,000 upang makapag-trabaho bilang factory worker sa Korea. Pinangakuan din umano siya nito na tutulu ngan na maging legal ang papeles ng asawa na nasa Korea na at magbayad lamang ng P53,000 para sa visa nito.
Nangamba rin ang iba pang biktima nang hindi na sila sinasagot ng suspect sa mga tawag nila at ibineripika sa Philippine Overseas Employment Agency (POEA) na hindi ito awtorisadong mag-recruit ng overseas workers.
- Latest
- Trending