Paparamihin ang mga puno sa QC
MANILA, Philippines – Tutuparin ng pamahalaang lungsod Quezon ang plano nitong gawing isang modelong luntiang hardin sa Metro Manila ang nasasakupan nito sa pamamagitan ng pagtatanim ng 30,000 iba’t ibang uri ng puno at halamang namumulaklak.
Ito ang layunin ng memorandum of agreement na nilagdaan ni Mayor Herbert Bautista at Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary Ernesto Adobo Jr. na mag-iimplementa ng tatlong taon na urban greening program sa Quezon City, na maituturing din na sagot sa epekto ng climate change.
Si Usec Adobo ang naging kinatawan ni DENR Secretary Ramon Pje sa isinagawang paglagda sa kasunduan.
Sa talumpati ni Mayor Bautista, iginiit niya ang importansya ng “plant-coding” upang malaman kung anong uri ng halaman ang tamang itanim o mabuhay sa isang lugar. Inihalimbawa ng alkalde ang Tomas Morato Avenue na dating kilala bilang Sampaloc Avenue, Tandang Sora kung saan mara ming duhat ang nakitang nakatayo rito noong panahon ng bayaning si Melchora Aquino.
Nagsagawa rin ang pamahalaang lungsod ng malawakang pagtatanim ng may 1,500 neem at eucalyptus tree na makatutulong sa pagtaboy ng lamok na may dalang dengue dahil sa kakaibang amoy nito.
Ang Parks Development and Administration Department (PDAD), sa pamumuno ni Engr. Zaldy dela Rosa ang namamahala sa malawakang pagtatanim ng ganitong mga puno sa buong lungsod.
Katulong din ang PDAD upang maisakatuparan ng lungsod ang planong maging isang “garden city” ng Metro Manila.
- Latest
- Trending