Manila Peninsula binulabog ng 'bomba'
MANILA, Philippines – Binulabog ng bomb threat ang mga kawani at mga guest ng Manila Peninsula Hotel matapos makatanggap ng tawag sa telepono ang kanilang telephone operator na may sasabog na bomba kamakalawa ng gabi sa Makati City.
Sa report ng Makati City Police, dakong alas-7 ng gabi nang makatanggap ng tawag ang naturang hotel mula sa hindi nagpakilalang caller, na kung saan may nakatanim na bomba sa nabanggit na five star hotel at sasabog ito.
Mabilis na ipinagbigay sa pulisya ng pamunuan ng Manila Peninsula ang naturang insidente, kung saan mabilis naman rumesponde ang mga tauhan ng Special Weapons & Tactics (SWAT) and the Explosives Ordinance Division (EOD) ng Makati City police at nagsagawa ng mga ito ng inspection, ngunit negatibo naman ang resulta.
Matatandaan, na noong Huwebes ng umaga ay binulabog rin ng bomb threat ang Philippine Stock Exchange, na matatagpuan sa Ayala Avenue ng nabanggit na lungsod dahilan upang suspendihin ang lahat ng transaksiyon sa naturang tanggapan.
- Latest
- Trending