MANILA, Philippines - Nabulabog at matinding takot ang naramdaman ng mga shopper ng isang shopping mall matapos pasabugan ng isa sa mga kawani ang car park nito na nagalit nang tumangging magbigay ng pera ang pamunuan ng naturang establisimiyento kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.
Nakakulong ngayon sa detention cell ng Valenzuela City Police ang itinuturong suspek sa pagpapasabog na si Jasper Cortez, 22, merchandiser ng mall at residente ng Brgy. Gen. T. de Leon, Valenzuela City .
Base sa nakalap na impormasyon sa Station Investigation Division (SID) ng Valenzuela City Police, dakong alas-8 ng gabi nang maganap ang pagsabog sa carpark ng mall na matatagpuan sa kahabaan ng MacArthur Highway ng nasabing lungsod.
Nabatid sa pulisya, bago ang insidente ay isang hindi nagpakilalang lalaki ang tumawag sa pamunuan ng mall kung saan ay nanghihingi umano ito ng P20 milyon.
Sinabi pa umano ng caller na pasasabugin niya ang mall sakaling hindi magbigay ng pera ang pamunuan ng naturang department store.
Dahil dito, agad na nanghingi ng tulong sa pulisya ang pamunuan ng establisimento kung saan ay nagpanggap na chief security ang hepe ng SID na si Chief Insp. Danilo Bugay.
Nakausap umano ni Bugay ang suspek sa pamamagitan ng text kung saan ay nakalagay sa ipinadalang mensahe ng pulis ang mga katagang “Ano po ba talaga gusto nyo, nakalaan po kami sumunod sa gusto nyo. D2 na po pera nakalagay sa box.”
Nang hindi umano nakuha ng suspek ang perang hinihingi ay naglagay ito ng pampasabog na gawa sa pulbura ng paputok sa isang owner type jeep (CJC-629) na nakaparada sa carpark.
Sa naging salaysay pa ng mga security guard sa pulisya, nang marinig nila ang pagsabog ay agad na nagtungo ang mga ito sa carpark kung saan ay inabutan pa ng mga ito ang suspek.
Agad namang kinuwestiyon ng mga security guard ang suspek ngunit sinabi nito na nakita niyang may tatlong lalaki ang naglagay ng pampasabog sa naturang sasakyan ngunit nang kinukuha na nila itong testigo ay marami na ang naging dahilan ni Cortez.
Dahil dito, naghinala ang mga security guard kaya’t pinilit nilang isama sa himpilan ng pulisya ang suspek at nang nasa presinto na ito ay nakita sa inbox ng cellphone nito ang mga text message ni Bugay kaya’t agad itong inaresto upang sampahan ng kaukulang kaso.
Nabatid pa sa mga awtoridad, bago ang pagsabog ay isang dummy bomb din ang nakuha sa men’s comfort room ng mall na pinaghihinalaan ding galing sa nanghihingi ng perang suspek.
Wala namang nasugatan sa nabanggit na insidente.