14 Petcs nanganganib ipasara ng LTO
MANILA, Philippines - Nanganganib na maipasara ang operasyon ng may 14 na private emission testing center (Petcs) sa bansa matapos mapatunayan ng Land Transportation Office-ETC Ad Hoc Adjudication Committee na lumabag ito sa batas alinsunod sa Clean Air Act ng pamahalaan tulad ng pagsasagawa ng non-ap pearance testing o di pagdadala sa LTO ng sasakyan para maipasuri ang usok ng tambutso bago mairehistro sa ahensiya.
Nagpalabas si LTO Chief Virginia Torres ng show-cause order laban sa mga pasaway na Petcs para magpaliwanag ang mga ito sa loob ng 3 working days kung bakit hindi sila maaaring maipasara makaraang mahuli na nagsasagawa ng non-compliance at non-appearance testing sa mga irerehistrong sasakyan.
Ang 14 Petcs na nakita umanong lumabag sa emission testing program ng pamahalaan ay ang Net Emission Testing Center McArthur Highway Malinta, Valenzuela City; W. RED Emission Testing Center, Real 1 Bacoor, Cavite; Orange Emission Testing Center Guagua, Pampanga; Good Morning Emission Testing Center Meycauayan, Bulacan; H.R.Eco Clear Emission Testing Center Sta. Maria, Bulacan; Fernandino’s Emission Testing Center Cainta, Rizal; EP Emission Testing Center Legaspi City, Albay; Environguard Technologies Corp. Guiguinto, Bulacan; De Jesus Emission Testing Center Bacoor, Cavite; Bearcat Reyes Emission Testing Center, Pequeña, Naga City; ASI Emission Testing Center Sta. Mesa Heights, QC; Ama Smoke Test Center Sto. Niño, Marikina City; A.M. Pacleb Enterprises Inc. San Roque, Marikina City; A.M. Pacleb Enterprises Inc. San Elena, Marikina City.
“We are giving them due process, ganun naman tayo, magpaliwanag sila at pag hindi tayo kumbinsido sa paliwanag nila, ipasasara natin ’yan mga yan,” pahayag ni Torres.
Sinuportahan naman ng Private Emission Testing Center Operators Assn. (PETCOA) ang kampanyang ito ni Torres. Patunay anya na kaya pang malutas ang mga katiwalian at pagandahin ang programa ng PETC kung ang pamunuan ay may political will lamang.
- Latest
- Trending