Doktora ninakawan, binigti
MANILA, Philippines - May takip na unan at may tali sa leeg, saka nakagapos ang magkabilang kamay gamit ang kawad ng kuryente nang matagpuang bangkay ang isang 81-anyos na doktora sa loob ng kanyang bahay sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Pagnanakaw ang inisyal na motibong tinitingnan ng Quezon City police sa pagkamatay ng biktimang si Lourdes Pascual, dalaga, anesthesiologist, ng #4 Manikling St., Brgy. Talayan, sa lungsod.
Sa imbestigasyon ni PO2 Jogene Hernandez ng CIDU, ang biktima ay natagpuan na lamang ng kanyang sekretaryang si Erlin Clar-Jesus at Jessie Ramos Francisco kasama ang ilang opisyales ng pulis at barangay sa kalunus-lunos na kalagayan dakong alas-8:30 ng gabi.
Bago nito, alas-2 ng hapon umano ay inutusan si Francisco ng kanyang kaibigang si Michael Concha, apo ng biktima, at nasa out-of- town, na puntahan ang biktima sa bahay nito dahil hindi ito tumutugon sa kanyang tawag sa cellphone.
Ngunit lumipas ang ilang oras na paulit-ulit na pagkatok at pagtawag sa naturang bahay ay walang tumutugon sanhi para magpasya ang dalawa na humingi na ng tulong sa barangay at sa pulis.
Dito ay nagpasya ang mga awtoridad na pasukin ang bahay sa pamamagitan ng pag-akyat sa gate gamit ang hagdanan kung saan pagbukas ng kuwarto ay saka bumulaga sa kanila ang bangkay ng biktima habang nakahiga sa isang mahabang silya.
Ayon sa pulisya, posibleng habang binibigti ng suspect ang biktima ay nakatakip ang unan sa mukha nito upang hindi na ito makagawa pa ng ingay, na siyang dahilan para ito masawi.
Wala ring nakitang force entry ang awtoridad sa bahay ng biktima na nangangahulugang malayang nakapasok o dili kaya ay kilala nito ang nasabing suspect.
Sa ngayon, patuloy ang pagsisiyasat ng CIDU sa naturang insidente kung saan robbery ang tinitingnan nilang motibo.
- Latest
- Trending