MANILA, Philippines - Ibinasura ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang apela ng mga kompanya ng bus na pagpapaliban sa implementasyon ng “number coding” na nakatakdang ipatupad sa Nobyembre 15.
Sinabi ni MMDA chairman Francis Tolentino na bagama’t isa siya sa nag-apruba ng number coding sa mga bus, nasa kamay na umano ng Metro Manila Council na binubuo ng mga alkalde sa Metro Manila ang desisyon kung maipagpapaliban ito.
Sa kanyang pagkakaalam, wala nang atrasan ang implementasyon nito kung saan kasama rin dito ang mga provincial bus na dumaraan sa EDSA at iba pang pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Ang mga apela o reklamo ay hindi na umano sa MMDA kung saan dapat itong iparating sa MMC o sa mga alkalde ng lahat ng lungsod at munisipalidad sa Kamaynilaan.
Sa oras na maipatupad na ang programa, ang lahat ng mga pampasaherong bus na ang plate number ay nagtatapos sa 1 at 2 ay hindi na puwedeng paraanin sa EDSA sa araw ng Lunes, 3 at 4 sa Martes, 5 at 6 sa Miyerkules, 7 at 8 sa Huwebes at 9 at 0 pag araw ng Biyernes.
Kumpiyansa si Tolentino na makakatulong ito ng malaki para mapagaan ang mabigat na daloy ng trapiko sa EDSA ang naturang programa, kapalit ng ibinasurang odd-even scheme na umani ng katakot-takot na batikos.