MANILA, Philippines - Kasabay ng paghagupit ng bagyong Juan, hinagupit din ng mga dambuhalang kompanya ng langis ang mga motorista nang ipinatupad ang pagtataas sa P.50 sa kada litro ng gasolina umpisa nitong Martes ng hating gabi. Dakong alas-12:01 ng hatinggabi nang taasan ng P.50 ng Pilipinas Shell ang presyo ng kanilang gasolina at P.25 kada litro naman sa kerosene. Sinundan ito ng Petron Corp. at Chevron Phils. dakong alas-6 ng umaga ng kahalintulad na mga halaga at produkto.
Ang ginawang pagtataas ay labis na ikinagulat ng mga motorista dahil sa walang abisong ginawa ang mga ito habang wala ring mensahe sa mga mamahayag na dati’y ginagawa ng mga ito bago magpatupad ng price hike.
Kahapon ay nagpahiwatig na rin ang Eastern Petroleum at ilan pang maliliit na kompanya ng langis na susundan nila ang pagtataas sa presyo ng langis ng mga dambuhalang kompanya bunga na rin ng patuloy na pagtaas ng halaga ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Magugunita na noon lamang nakaraang linggo, Oktubre 12, ay nagpatupad na ng P1.25 kada litrong pagtataas ng gasoline at kerosene ang mga kompanya ng langis habang P1 naman sa diesel.