MANILA, Philippines - Nadakip ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa isang buy-bust operation ang isang Chinese national sa aktong nagbebenta ng iligal na droga, kamakailan sa Sta. Cruz, Maynila.
Kinilala ni NCRPO director, Chief Supt. Nicanor Bartolome ang nadakip na si Weng Bing Lim, 31, tubong Fujian, China at pansamantalang nangungupahan sa may Mayhaligue St., Sta. Cruz, Maynila. Nakumpiska dito ang may 1.5 kilo ng shabu na may katumbas na “street value” na P6 milyon, dalawang cellphone at isang Toyota Fortuner na gamit nito sa pakikipagtransaksyon.
Sa naantalang ulat ng NCRPO, isinagawa ang operasyon nitong Oktubre 14 malapit sa bahay ni Lim makaraan ang matagal na pagmamanman.
Isang nagpanggap na buyer ang nakipagtransaksyon sa suspek na inaresto makaraang magkaabutan ng marked money.
Nahaharap ngayon sa patung-patong na kasong paglabag sa Section 5 (sale, dispensation, delivery) at Section 11 (possession) ng Article 2 ng Republic Act 9165 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Manila Prosecutor’s Office.
Kasalukuyang nakaditine sa RPIOU-NCRPO detention cell ang suspek habang hinihintay ang “commitment order” upang mailipat ito sa Manila City Jail.