Dalagita nilason ng nobyo

MANILA, Philippines - Patay ang isang dalagita makaraan umanong lasunin ng kanyang nobyo matapos magtalo sa Caloocan City .

Namatay habang gina­gamot sa Jose Reyes Me­morial Medical Center si Anjanette Ramos, 17, resi­dente ng Palon St., ng na­banggit na lungsod.

Tinutugis ngayon ng pulisya ang nobyo ng biktima na nakilala lamang sa pa­ngalang Jordan.

Sa pahayag nina Joan Gonzales at Jocelyn Mana­lastas, mga kaibigan at kapit­bahay ng biktima, alas-4:00 kahapon ng umaga, lasing si Ramos nang dalhin ni Jordan sa bahay ng mga kaibigan.

Agad na umalis si Jordan pagkahatid sa dalagita kung saan nagsusuka ang biktima at sinabi sa dalawang ka­ibigan na nilagyan ng suspect ng silver cleaning solution ang kanyang ininom na alak dahil nagtatalo ang mga ito.

Dahil dito, agad na dinala nina Gonzales at Manalastas ang biktima sa JRMMC su­balit namatay din ito na naging dahilan upang mag­sumbong sa mga pulis ang kanyang mga kaibigan.

Kasalukuyan nagsa­sa­gawa ng imbestigasyon ang mga pulis upang matukoy ang tunay na ikinamatay ng biktima.

Show comments