MANILA, Philippines - Hinamon ni AGHAM Partylist Rep. Angelo Palmones si Bureau of Fire Protection Chief Rolando Bandilla, na ilabas nito ang opisyal na pagpapahayag ng mga regional directors at fire marshals kaugnay ng pagrekomenda umano ng mga naturang tauhan sa pagbili ng imported Power Take-Off (PTO) fire trucks.
Ang naturang reaksyon ay base sa pahayag ni General Bandilla sa isang panayam na may mga request umano ang mga BFP regional directors at field marshals na PTO fire trucks ang bilhin.
Ayon kay Palmones, bukod sa dolyares at imported ang mga naturang PTO fire trucks, obsolete technology na rin umano ito, na hindi na ginagamit ng mga mauunlad na bansa gaya ng Amerika, Japan at Australia. Marami rin umano itong maituturing na disadvantages gaya ng wala itong after sales care at warranty, bukod pa sa mahal na mga piyesa nito na kadalasan ay sa ibang bansa pa bibilhin.
Ipinaliwanag din ni Palmones, na siyang naghain ng House Resolution 202, na naglalayong imbestigahan ang naturang PTO fire-truck procurement ng BFP, na itinatadhana ng batas na kapag may anumang pangangailangan ang gobyerno at mayroon namang Filipino manufacturers nito sa bansa, na pasado sa mga legal na aspeto gaya ng patent, business registration at iba pa, dapat itong unang tangkilikin ng pamahalaan.
Samantala, hinamon naman ni Anos Research Manufacturing General Manager, Gng. Maria Estrella Garcia ang pamunuan ng BFP na magkaroon ng performance at physical comparative study sa pagitan ng PTO fire truck at ang gawang Pinoy na Anos Fire truck.
Binigyan-diin din ni Garcia na bukod sa sila lang ang nag-iisang Pinoy fire truck manufacturer sa bansa, pasado sila sa lahat ng technical requirements and specifications ng BFP, dahilan kaya kinatigan din ng nakaraang 14th Congress, ang nasabing mga procurement ng BFP sa kanilang kumpanya.