MANILA, Philippines - Patay ang isang miyembro ng Commando gang nang abangan at barilin sa isang lamayan ng kaalitang miyembro naman ng Sputnik sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang nasawi na si Rodolfo Santos, 41, isang stevedore sa Makro North Harbor at residente ng Moriones St., Tondo.
Tinutugis pa ang suspect na kinilalang si Michael Lopez, 35, miyembro naman ng Sputnik gang at naninirahan sa Paghanapin St., Tondo.
Napag-alaman na naganap ang insidente dakong alas-10:20 ng gabi sa panulukan ng Kagitingan at Zabala sts., Tondo.
Nakarinig na lamang umano ng malakas na putok ng baril ang iba pang naglalamay at nakitang nakahandusay na ang biktima habang ang suspect ay mabilis na nilisan ang lugar.
Sinabi ng ina ng biktima na si Corazon Santos, matagal nang kaalitan ng anak ang suspect.