MANILA, Philippines - Nagkalasug-lasog ang katawan ng dalawang kalalakihan makaraang sumadsad ang kanilang sinasakyang motorsiklo at tumilapon sa kalsada sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang nasawi na sina Jerome Santos, 33, binata; at Edison Humala, 23, binata; kapwa residente sa Kasunduan St., Brgy. Batasan sa lungsod.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa kahabaan ng IBP Road harap ng Civil Service Commission, Brgy. Batasan Hills sa lungsod, ganap na alas-3:30 ng madaling-araw.
Diumano, sakay ng isang motorsiklo ang dalawa at tinatahak ang naturang lugar nang biglang madulas ito at magpagulung-gulong.
Dahil dito, tumilapon sa motorsiklo ang dalawang biktima dahilan para humampas sa sementong kalsada ang kanilang mga katawan at magtamo ng matinding pinsala.
Nagawa namang saklolohan ang mga biktima ng ilang concerned citizen at itinakbo sa magkahiwalay na ospital ngunit kapwa idineklara ang mga itong dead-on-arrival.