MANILA, Philippines - Upang hindi na muling maulit pa ang sakuna noong 2006 sa pananalasa ng bagyong Milenyo na ikinasawi at ikinasugat ng ilang katao, ipinatanggal na kahapon ng National Disaster Risk Management and Reduction Center (NDRMRC) ang mga billboards sa Metro Manila kaugnay ng pagtama ni Super Typhoon Juan.
Ayon kay NDRMRC Executive Director Benito Ramos, partikular na pinakilos ang mga opisyal at tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagtatanggal ng mga mapanganib na billboards.
“Pinatanggal na natin yung mga billboards temporarily para maiwasan na makadisgrasya pa ito ng mga civilians”, ani Ramos kaugnay ng kahandaan sa pagpasok ng naturang malakas na bagyo na inaasahang magdudulot ng malalakas na pagbuhos ng ulan at hangin sa Metro Manila.
Kasunod nito, kinalampag naman ng DSWD at MMDA ang mga billboard owners at outdoor advertising companies upang boluntaryong alisin muna ang kanilang naglipanang mga billboards sa mga komersyal na distrito ng NCR.
Ayon sa weather bureau, si Super Typhoon Juan na inaasahang mararamdaman ang epekto ngayong araw (Oktubre 17) ay magla-land fall sa Lunes kung hindi magbabago ng direksyon.
Binigyang diin ng opisyal na mas mabuti na ang umaksyon ng maaga para mabawasan kung hindi man tuluyang mapigilan na may mga taong masugatan at masawi sa pananalasa ng malakas na bagyo.
Samantala, sinabi pa ni Ramos na libu-libong reservist ng AFP ang naka-standby na rin ngayon sa Camp Aguinaldo na nakahanda na rin ang rescue equipments tulad ng mga ambulansya, military trucks at mga rubber boats para tumulong sa rescue operation sa mga lugar na hahagupitin ng bagyo sa NCR.