2 bagets tiklo sa holdap

MANILA, Philippines - Himas rehas ngayon ang dalawa sa tatlong ka­bataang holdaper ilang minuto ma­karaang bikti­ma­hin ang isang taxi driver sa lung­sod Quezon, iniulat kahapon.

Nakilala ang mga suspect na sina Mark John Ba­lantes at Ronald Santos, ng San Isidro, Galas ng Que­zon City. Ang dalawa ay ka­­bi­lang sa grupo na nang­­hol­dap sa biktimang si Felicito Ercillo, 42, taxi driver ng Bagong Silang, Caloo­can City na gumamit ng paslit para sa kanilang operasyon.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, nangyari ang pang­hoholdap sa may kahabaan ng Commonwealth Avenue sa lungsod ganap na alas -2 ng madaling-araw. 

Bago ito, sumakay umano sa R-cab taxi (TWJ-422) ng biktima ang dalawa sa mga suspect sa may D. Tuazon at nagpa­hatid sa E. Rodriguez. Pag­sapit umano ng Commonwealth Avenue ay pinahinto ng suspect ang biktima kung saan suma­kay naman ang isa pang suspect.

Ilang sandali, bigla na lamang umanong nagdek­lara ng holdap ang mga suspect sabay tutok ng patalim sa batok ng biktima, at kunin ang kanyang kinita na P6,250, bago bumaba at nagsipagtakas.

Hindi naman nawalan ng loob ang biktima at agad na nakahingi ng sak­lolo sa mga nagpapa­trul­yang awtoridad sanhi upang madakip ang mga suspect at makalayo na­man ang isa pang kasama­han nito.

Show comments