MANILA, Philippines - Ipinag-utos kahapon ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkansela ng kontrata para sa pag-imprenta ng kontrobersiyal na Airport-Departure (A/D) cards matapos na madiskubre na walang bidding at hindi ito sumailalim sa review ng Department of Justice (DOJ).
Sinabi ni Immigration officer in charge Ronaldo Ledesma, na makikipagpulong siya sa Airline Operators Council (AOC) upang hilingin sa grupo na bawiin ang mga naimprentang A/D cards.
Ang AOC ang siyang may hawak sa pag -iimprenta ng libre ng mga cards hanggang sa pasukin ng BI ang isang exclusive contract sa loob ng 15 taon sa e.Xtend Inc. upang ma-imprenta ang mga cards noong panahon ng Arroyo government.
Sa nasabing kontrata pinapayagan nito ang e.Xtend, Inc na mag-solicit ng advertisements at mag-imprenta ng mga cards.
Dahil dito kaya’t inatasan na ni Ledesma si Atty. Arvin Santos, Chief ng BI airport operations division na kaagad magpadala ng pormal na abiso sa contractor na kinakansela na nila ang kontrata ng A/D cards.
Nilinaw ni Ledesma na lumalabas sa resulta ng review ng kontrata sa e.Xtend’s na pinasok ni dating Immigration Commissioner Marcelino Libanan noong May 2009 ay hindi ito dumaan sa competitive bidding o sumailalim sa review ng DOJ na siyang isinasaad sa batas.
Bukod dito nabigo din ang e.Xtend Inc. na kumuha ng permiso sa BI upang maglagay ng mga kontrobersyal na larawan sa cards bago iimprenta at ipamahagi.
Inihalimbawa ni Ledesma ang pag-imprenta sa card kung saan nakalagay ang larawan ni Pangulong Noynoy Aquino na kaagad nitong ipinaalis at ang pinakabago ay ang larawan ni Dr. Vicki Belo.