MANILA, Philippines - Naghain ng kasong tax code ang Bureau of Internal Revenue laban kay Taguig City Mayor Ma. Laarni Cayetano dahil umano sa pagkabigo nitong dinggin ang subpoena para iprisinta ang accounting records ng siyudad noong 2008.
Sa dalawang pahinang affidavit ng Quezon City prosecutors office, si Cayetano ang pinangalanang respondent sa reklamo para sa paglabag sa section 5-c ng 1997 Tax Code.
Ang National Investigation Division ng BIR ang naghain ng reklamo nitong Miyerkules sa pamamagitan ng kanilang revenue enforcement officers na sina Virma Clemente, Cassandra Añonuevo, Leonesto Bernal, Ferdinand Malonzo at Amelita Aquino. Si Cayetano ay sinampahan dahil sa kapasidad nito bilang chief executive ng pamahalaan ng Taguig City.
Sa kanilang affidavit, sinabi ng BIR na nagpadala na sila ng letter of authority na nag-aatas sa city government na payagan ang pagbasa ng kanilang books of accounts at iba pang accounting records para sa 2008 at hindi pa tiyak na taon.
Subalit, sa kabila ng dalawang notisya para sa presentasyon ng accounting rekords, ay hindi umano ito tumugon, para sa beripikasyon at eksaminasyon.
Ayon sa BIR, napilitang mag-isyu ng subpoena duces tecum, para atasan ang mga taxpayer na iprisenta ang kailangang talaan para sa kanilang beripikasyon. Ang subpoena ay inisyu noong Aug 6, 2010 sa pamahalaang bayan sa pamamagitan ni Cayetano, sa kanyang kapasidad bilang chief executive.
Sa ilalim ng batas, ang kabiguan para sundin ang patawag ng BIR ay may kaparusahang multa ng P5,000 hanggang P10,000 o pagkakakulong ng isa hanggang dalawang taon.