MANILA, Philippines - Apat na nursing student ang nasawi, habang dalawa pa nilang kasamahan ang nasa kritikal na kondisyon makaraang sumalpok sa isang poste ang sinasakyan nilang van sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.
Dead-on-arrival sa magkakahiwalay na ospital ang mga biktimang sina Devie Rose Kumar; Ron Mark Russel, 19; Mark Anthony Mistudio, 17 at Ser Abuacan, 20, sanhi ng tinamong matinding pinsala sa kanilang ulo at katawan. Ang mga biktima ay pawang mga estudyante ng Fatima University.
Ginagamot naman sa East Avenue Medical Center ang dalawa pang biktima na sina Neil Carranza, 20 at Jomari Ivan Semolava, 18.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Benjamin Bautista, ng Caloocan City Police, Traffic Enforcement Unit, naganap ang insidente dakong alas- 12:10 ng madaling-araw sa kahabaan ng Congressional Road, Barangay 171 ng nasabing lungsod.
Kasalukuyang binabagtas ng mga biktima ang naturang lugar sakay ng isang Mitsubishi Adventure (ZNZ-552) na minamaneho ni Russel nang biglang sumadsad sa gutter ang kaliwang bahagi ng gulong ng sasakyan.
Dahil sa bilis ng takbo ay nawalan ng kontrol si Russel sa manibela hanggang sa tuluyang bumangga sa sementadong poste ng Meralco na naging dahilan upang magpagulong-gulong ang naturang sasakyan.
Mabilis na isinugod ang mga biktima sa magkakahiwalay na pagamutan subalit hindi na rin umabot ng buhay ang apat dito.