MANILA, Philippines - Nabulabog ang ikalawa at ikatlong palapag ng Manila City Hall makaraang makatanggap ng tawag sa telepono ang isa sa mga staff sa office of the mayor kahapon dakong ala-1 ng tanghali.
Ayon sa mensaheng natanggap mayroon umanong bombang nakatanim sa palikuran ng 2nd floor na nakatakdang sumabog dakong alas-2 ng hapon.
Idinagdag pa ng tumawag na mayroon ding nakatanim na bomba sa ikatlong palapag naman ng gusali ng city hall at alas-3 naman ito sasabog kung saan target nito ang mga huwes.
Binigyang diin pa ng tumawag na ang bomba ay hindi umano para kay Manila Mayor Alfredo S. Lim kundi para sa mga piskalya at judges.
Agad namang ipinagbigay alam ang tawag sa tanggapan ni Police C/Insp. Mar Reyes na kaagad namang nagpaikot ng mga bomb snipping dog sa kabuuan ng Manila City Hall. Dakong alas-4 naman ng hapon ng ideklara ni Reyes na ligtas ang buong city hall at sinabing ang tawag ay isa lamang prankcall.