100 bahay naabo sa sunog sa QC
MANILA, Philippines - May 100 kabahayan ang naabo matapos sumiklab ang sunog sa isang ba rangay sa lungsod Quezon kahapon. Ayon sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection, ang sunog ay nagsimula sa bahay ng isang Jojo Valenzuela na matatagpuan sa Abbey Road, malapit sa Brgy, Sauyo Road, Ibayo 2, Bagbag Novaliches sa lungsod.
Nagsimula ang sunog ganap na ala-1:46 ng hapon nang bigla na lamang umanong may umapoy sa ikalawang palapag ng bahay ng pamilya Valen zuela. Dahil pawang mga gawa lamang sa light materials ang mga kabahayan ay madaling kumalat ito hanggang sa madamay na rin ang iba pang kabahayan.
Umabot naman sa Task Force Alpha ang naturang sunog kung saan nahirapan ang mga pamatay sunog na maapula ito dahil sa masikip na eskinita. Dahil dito, kanya-kanyang buhat ng mga gamit ang mga apektadong pamilya sanhi upang magsikip naman ang daanan ng mga rumispondeng bumbero.
Ganap na alas- 2:30 ng hapon nang ideklarang fire out ang naturang sunog. Tinatayang aabot naman sa 200 hanggang 300 pamilya ang nawalan ng tirahan sa nasabing sunog at ang halaga ng pinsala ay aabot sa P3 milyon. Patuloy ang pagsisiyasat ng pamatay sunog sa nasabing insidente upang matukoy ang sanhi nito.
- Latest
- Trending