MANILA, Philippines - Tinodas ang 36-anyos na lalaki ng kanyang kapitbahay na tinalo niya sa sugal na ‘Lucky 9’ sa isang lamayan ng patay sa Tondo, Maynila kahapon ng umaga.
Patay na nang idating sa Gat Andres Bonifacio Memorial Hospital ang bikti mang si Sitchman Auman, ng Area H, Gate 20, Parola compound, Tondo sanhi ng dalawang saksak na tinamo sa kaliwang bahagi ng kanyang katawan.
Tinutugis naman ang suspect na kinilalang si Raul Domingo na tumakas matapos ang isinagawang krimen.
Naganap ang insidente dakong alas-6:00 ng umaga nang maganap ang insidente sa burol ng kapitbahay sa Palagatac covered court, sa Area H, Gate 20, Parola compound, Tondo, Manila.
Sinabi ni Joana Rose, nakababatang kapatid ng biktima, habang umiinom ng kape ang kaniyang kapatid na nasa lamayan ay sinugod umano ng suspect at walang sabi-sabing sinaksak. Nagawa pang makatakbo ng kaniyang kapatid subalit hinabol muli ng suspect at muling inundayan ng saksak bago tumakas.
Nabatid din na ‘bangka’ umano sa lucky nine ang biktima at natalo ang suspect sa laro na posibleng ikinagalit nito. Aalamin din kung may iba pang motibo sa pamamaslang.