SSS office nilooban
MANILA, Philippines - Nilooban ng pinaniniwalaang grupo ng “Akyat-bahay gang” ang tanggapan ng Social Security System (SSS) sa lungsod Quezon kamakalawa.
Gayunman, sinabi ni SSS Vice-president for Media Affairs Joel Palacios na hindi nabuksan ng kawatan ang vault na kinaroroonan ng pera ng ahensiya kundi ang mga drawers lamang ng mga empleyado na naglalaman ng cash mula sa halagang P300 at pinakamalaki na ang P3,000 cash at iba pang personal na kagamitan nila.
Sinasabi sa ulat na sa naturang tanggapan nag-oopisina sina Gamelin Dizon, Vice -president ng treasury department at Assistant Vice-president na si Emmanuel Trinidad.
Pasado alas -11 ng gabi nang matuklasan ang pagnanakaw sa naturang departamento ng security guard na si Elbert Malana.
Bago ito, kapapalit lamang ni Malana para mag-duty sa kasamahang si Dexter Marinao na nagka-duty simula alas-3 ng hapon hanggang alas-11 ng gabi nang matuklasan niya ang insidente.
Sinasabing nagsagawa ng routine inspection si Malana nang mapuna nito ang aircondition mula sa treasury office ay nakalapag sa sahig.
Sa puntong ito, agad na ininspeksyon ni Malana ang lugar kung saan niya nakita ang mga tables at drawers sa loob na pinuwersang buksan.
- Latest
- Trending